"Hindi naman kita pinili. Malay ko bang sa'yo ako magkakagusto?" sagot ni Lynx sa babaeng kaharap niya.
Si Tifaniang babaeng matagal ng gusto ni Lynx ngunit wala itong interes sa kanya.
"Ilang beses ko bang sinabi sa'yo na ayaw nga kita? Hindi ka ba nakakaintindi Lynx?" inis na tanong sa kanya ni Tifani.
"Tifani..." Hindi na pinatapos pa ni Tifani ang sasabihin ng binata kaya umalis na lang ito agad.
Napabuntong hininga na lamang si Lynx at saka umupo sa malapit na upuan. Nasa eskwelahan kasi sila ngayon.
"Kumusta?" napaangat ang tingin niya nang maramdaman niyang may umupo sa tabi niya. Si Sha—ang kaibigan ni Tifani.
"Ayun, gano'n pa rin. Iniiwasan niya pa rin ako simula nang sabihin kong gusto ko siya. Gustong gusto ko talaga siyang kausapin pero siya ayaw niya ako kausap. Like, pag napansin kong lumalayo siya pag lalapit ako sa kanya, hindi na lang ako lalapit. Matutulungan mo ba ako na makausap ko siya sa personal?" nangungusap ang mga mata nito habang nakatingin sa kaibigan ni Tifani.
Napakamot naman sa ulo niya ang dalaga.
"Kilala mo naman si Tifani 'di ba? Kung ayaw niya talaga sa isang bagay ayaw niya. Hindi mo siya mapipilit." anito.
"Sige na, Sha. Please?" nagulat siya nang kunin nito ang kamay niya at parang batang nagmamakaawa sa harap niya. "Please?"
Napa-irap na lang ang dalaga at saka kinuha ang kamay niya.
"I'll try. Hindi ako nangangako a. Pero, susubukan ko pa rin siyang kausapin." Saad nito at saka tumayo na para sundan ang kaibigan.
"Tifani!" sigaw ni Sha nang makita niya ang kaibigan na naglalakad mag-isa sa corridor. Napahinto naman ito at nilingon siya.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Sha nang malapitan ang kaibigan.
"Papunta akong canteen. Bibili ako ng malamig na tubig. Umagang-umaga nag-iinit ulo ko dahil sa Lynx na iyan e." galit na saad nito bago pinagpatuloy ang paglalakad.
"Bakit ba kasi galit na galit ka sa kanya? Wala naman siyang ginagawang masama sa'yo bukod sa gusto ka niya." pinipigilan ni Sha ang kanyang mga ngiti. Kinikilig kasi siya para sa kaibigan.
"Hindi mo kasi alam iyong kwento kung bakit naiinis ako sa mukhang uling na iyon." Napa-irap na lang sa hangin si Tifani.
"Kung hindi ko alam edi, i-kwento mo. Makikinig naman ako." lumingon ito sa kaibigan.
"Noong pasukan kasi iyon. Sabi niya sa akin ang sungit-sungit ko raw sa kanya. Like, hello? Hindi ko nga siya kilala." irap nito. "tapos two weeks after niyang sabihin na masungit ako sasabihin niyang gusto niya ako? Ha! Sino pinagloloko niya? Tapos ngayon ang lakas ng loob niyang mag-chat sa akin at sabihing liligawan niya ako? Hell no! Hindi gano'n iyong mga tipo kong lalaki!" makikita sa mukha ngayon ni Tifani ang pagkainis habang nag-kwe-kwento ito sa kaibigan.
"W-wait..." pigil naman sa kanya ni Sha kaya napatigil ito sa paglalakad at napatingin sa katabi. "anong sinabi mo? Nililigawan ka ni Lynx?" Hindi makapaniwalang tanong nito.
"Pero hindi ako pumayag, okay? Ano ako? Easy to get? Asa siya!"
"Kaya ba iniiwasan mo siya?" tanong muli ng kaibigan niya.
Tumango naman siya.
"Iba ka talaga sis. Ang haba ng hair mo e! Naaapakan ko na." biro nito sa kaibigan. "Pero bakit mo naman siya iniiwasan?"
"Kasi ang kulit niya! Sinabi ko na ngang ayaw ko siya at ayaw kong magpaligaw sa kanya pero, heto't gusto pa rin daw niya ako at itutuloy pa rin daw niya ang panliligaw sa akin kahit hindi ako pumayag. O, 'di ba? Ang kapal ng mukha." namumula na dahil sa inis ang mukha ni Tifani habang nag-kwe-kwento siya sa kaibigan.
"Infairness nakakakilig siya! Akalain mo iyon? Liligawan ka pa rin niya kahit sinabi mong ayaw mo magpaligaw? Sana all, sis!" abot tenga ang ngiti ni Sha.
"Ewan ko sa'yo! Baliw!" iniwan na siya ni Tifani at nauna na itong pumasok sa loob ng canteen.
Napailing na lang siya sa inasta ng kaibigan.
Pagpasok niya sa canteen ay saktong nag-vibrate ang cellphone niya kaya naman kinuha niya ito sa bulsa.
Nakita niyang may nag-chat sa kanya kaya naman binuksan niya ito.
*Lynx sent you a message*
Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan ni Lynx.
"Ano kayang sasabihin niya?" bulong niya sa sarili bago ito binuksan.
"Sha, iyong favor ko sa'yo a? Salamat! :)"
May pilyong ngiti naman na lumabas sa mga labi ng dalaga bago niya ito ni-reply-an.
"Sure, pero bago ko gawin iyong favor mo dapat i-kwento mo muna sa akin kung anong meron sa inyo ng kaibigan ko. Sabi kasi niya sa akin nililigawan mo raw siya? Totoo ba?"
Pagka-send niya iyon sa binata ay binalik niya sa kanyang bulsa ang cellphone na hawak dahil meron na ang kaibigan niya na may dala-dalang meryenda.
"Anong nginingiti mo diyan?" tanong sa kanya ni Tifani.
Umiling lang naman siya at saka kinuha ang isang hotdog na hawak ni Tifani at saka ito kinain.
"Balik na tayo sa room." Aya nito kay Tifani pero isang nakakamatay na tingin ang ibinigay sa kanya ni Tifani.
"Iniinis mo ba ako? Baka gusto mong itulad din kita kay Lynx na hindi pansinin?" pagbabanta sa kanya ni Tifani.
"Ito talaga napaka-ano. . . Tara na kasi sa room! Anong oras na o! Magsisimula na first period natin. Mamaya mapagalitan tayong ang agang pumuntang canteen para lang dito." itinaas niya ang hotdog na hawak.
Inirapan lang naman siya nito at nauna na namang naglakad kaya hinabol niya ito.
"Wait lang naman daw, sis! Atat makita si Lynx?" biro muli niya sa kaibigan pero hindi ito sumagot kundi itinaas na lamang nito ang gitnang daliri habang papalayo sa kanya.
Isang malakas na tawa naman ang kumawala sa bibig ni Sha bago niya sinundan ang kaibigan.
Pagbukas nila sa room nila ay wala pa ang teacher kaya pumasok na silang dalawa. Kunwaring umubo si Sha nang umupo na si Tifani sa tabi ni Lynx. Seatmate kasi ang dalawa.
Sinundan naman siya ng tingin ng kaibigan na para bang sinasabing, humanda ka sa akin mamaya—look.
Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating na ang kanilang guro at nagturo. Dahil nga boring ang asignatura na tinuturo ng kanilang guro ay natulog na lamang si Tifani ganoon din si Sha.
Mabilis ang takbo ng oras kaya naman ngayon ay uwian na nila. Dahil nga half-day lang ang klase ng magkaibigan ay naisipan na muna nilang gumala.
"Tarang mall!" masayang sambit niya sa kaibigan habang nag-aayos ng gamit.
"Sige, may bibilhin din ako e." sagot nito.
Napatingin naman si Sha sa katabi ni Tifani. Si Lynx.
Naalala niya iyong usapan nila kanina.
"Ikaw Lynx? May pupuntahan ka pa ba ngayon? Kung wala, baka gusto mong sumama sa amin ni Tifani?" may ngiti sa kanyang labi si Sha nang tanungin niya si Lynx.
Naramdaman niyang may nakatingin sa kanya kaya napatingin siya sa kaibigan na namumula na naman ang mukha. Naiinis na ito.
"Sure. Kung okay lang sa inyo lalo na kay Tifani, game ako." tipid na ngumiti ito sa kanya.
"Tara na!" hinila niya ang kamay ng dalawa at saka lumabas ng klase.
"Tara sa quantum tapos maglaro tayo doon!" masayang sambit niya habang pumapalakpak.
Pagkarating nila sa quantum ay agad na nagpaalam sa kanila si Sha na iihi.
"Punta lang akong restroom. Ito iyong card maglaro muna kayo. Balik din ako." inabot niya ang card sa kaibigan.
"Samahan na kita."
"Huwag na! Kaya ko naman e. Sige, enjoy na muna kayo diyan! Bye!" mabilis na tumakbo palabas si Sha.
Ang totoo ay hindi naman kasi talaga siya naiihi. Alibi niya lang iyon para iwan ang dalawa na magkasama at para makapag-usap din.
Nang makalabas si Sha ay namayani naman ng katahimikan sa dalawa.
Wala sa kanila ang nagsasalita.
Hawak ni Tifani ang cellphone niya at tine-text ang kaibigan na bilisan niyang bumalik.
"Ang tagal naman niya." naiinip na bulong niya.
"Tifani..." napalingon naman siya sa kasama nang tawagin siya nito. "maglaro na muna tayong basketball."
"Hindi ako marunong—" Hindi niya natapos ang sasabihin nang hinila na lang siya nito papunta sapaglalaruan nila. "Ano ba! Bitawan mo nga ako!"
"Maglaro na muna tayo habang hinihintay iyong kaibigan mo." sagot nito sa kanya at saka nginitian.
Inirapan lang niya ito.
"Ganito kasi ang tamang hawak ng bola." kumuha ng isang bola si Lynx sa harapan niya at ibinigay sa kanya. Kanina pa kasi sila naglalaro pero wala pa siyang na-i-sho-shoot. "Dapat relax ka lang." pumuwesto si Lynx sa likod niya habang tinuturuan siya.
Nararamdaman niya ang hininga ng binata sa tenga niya.
Bigla naman niya itong tinulak nang aksidenteng mahawakan ni Lynx ang kamay niya nang hawakan ng binata ang hawak niyang bola.
"S-sorry." nauutal na saad ni Lynx sa kanya.
Inirapan niya lang ito at saka lumabas na ng quantum at iniwan si Lynx sa loob.
"Nasaan na ba kasi iyong babaeng iyon?" naiinis na wika niya at saka nilabas ang cellphone niya para tawagan ang kaibigan nang may humawak sa braso niya kaya napalingon siya rito.
"Umuwi na si Sha. Ako na maghahatid sa'yo." wika ni Lynx sa kanya at saka nauna itong naglakad.
Magtatanong pa sana siya pero hindi na niya tinuloy at sinundan na lamang si Lynx. Hindi kasi siya marunong mag-commute kaya kahit labag man sa kalooban niyang ihatid siya ng binata ay magpapahatid na lamang siya.
Habang nakasakay sila sa sasakyan ng binata ay may sinabi ito. Nasa likod kasi silang dalawa habang nasa harapan naman ng sasakyan ay ang driver ng pamilya ni Lynx.
"I really like you, Tifani." panimula nito kaya napalingon siya rito.
"Okay, thanks." maikling sagot niya.
"Seryoso, gusto nga kita. Sana naman maniwala ka sa akin. Kausapin mo ako sa personal gaya ng pag-uusap natin sa chat. Pakiramdam ko kasi napipilitan ka lang kausapin ako sa chat lalo na sa personal." mahinang saad nito.
"Gusto mo ako? Okay, thank you sa pagkagusto mo sa akin. Kausapin ka ng personal? Kausap mo na ako ngayon. But the feelings are not mutual. I don't like you." pagkasabi iyon ni Tifani ay sakto namang tumigil ang sasakyan sa harap ng kanilang bahay. "Thank you sa paghahatid."
Pagkababa niya ay hindi na niya nilingon pa ang sasakyan nila Lynx at tuluyan na lamang pumasok sa loob ng kanilang bahay.
Nakahiga ngayon si Tifani sa kanyang kama habang nakatingin sa kisame. Biglang may nagpakitang imahe sa kisame. Siya at si Lynx na tinituruan siya kung paano mag-shoot ng bola kanina. Biglang kumabog ang dibdib niya. Naalala niya tuloy ang aksidenteng pagkakahawak ng binata sa kamay niya.
"Lynx..."
Kinuha niya ang cellphone niya na nasa sidetable nang tumunog ito. Agad naman siyang bumangon para kunin ito.
*Lynx sent you a message*
Huminga na muna siya ng malalim bago ito binuksan.
"I have a crush on you, Tifani matagal na. Bago pa kita makita sa school gusto na kita. Gustong gusto kita. Kaya nga naglakas loob na akong i-chat ka. Pero everytime na china-chat kita napansin kong cold mga reply mo sa'kin. I admit nawawalan ako ng pag-asa pag binabalewala o sini-seen mo lang chat ko sa'yo but I really really want to have a conversation with you. Pero hanggang dito na lang siguro ako. Tama na siguro iyong ilang buwan na pagpaparamdam at pagpapakita ko ng interes sa'yo. Thank you, Tifani kasi kahit papaano napansin mo ako. Hindi man isang lalaki kundi isang kaklase. Goodbye my first love."
Parang sinasakal ang puso ni Tifani nang mabasa niya ang mensaheng pinadala sa kanya ni Lynx. Paulit-ulit niya itong binasa hanggang sa hindi malaman na dahilan ay isang butil ng luha ang naglandas sa pisngi niya.
Bakit ako umiiyak? mahinang sambit niya at saka pinunasan ang kanyang pisngi. bakit nakakaramdam ako ng sakit?
Dahil nga walang alam sa pag-ibig si Tifani hindi niya alam na sa bawat araw na pag-uusap nila ni Lynx ay unti-unti na pala siyang nahuhulog dito ngunit pinipigilan lamang niya dahil natatakot siya sa kung anong puwedeng mangyari kapag nalaman nila kung ano at sino si Lynx.
Ayaw niyang husgahan siya ng ibang tao kapag nalaman nila kung sino ang taong gusto niya.
Lynx Reyes the ex-convict.